Tagalog News: Mga beterano ng World War II binigyang-pugay sa Pangasinan

LINGAYEN, Pangasinan, Enero 15 (PIA) – Muling ipinagdiwang sa lalawigan ng Pangasinan ang “Veterans’ Day” upang mabigyang-pugay ang kabayanihang ipinamalas ng mga beterano ng ikalawang digmaang pandaigdig, o World War II, makamit lamang ang kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino ngayon.

Inalala rin sa pagdiriwang ang makasaysayang pagdaong ni Heneral Douglas MacArthur sa Gulpo ng Lingayen noong 1945. Si MacArthur, kasama ng ilang sundalo ng Allied Forces, ang tumulong para makamit ng bansa ang kalayaan mula sa mga mananakop na Hapones.

Nagsimula ang selebrasyon “Veterans’ Day” sa isang misa ng pasasalamat na pinangunahan ni Rev. Fr. Victor Embuido.

Sinundan ito ng pag-aalay ng bulaklak sa Veterans Shrine nina Gov. Amado Espino, Jr.; dating senador Leticia Ramos-Shahani; Lt. Gen. Anthony Alcantara, commander ng Northern Luzon Command; Commodore Salvador Esguerra, deputy administrator ng Philippine Veterans Affairs Office; at Atty. James Curtis-Smith, presidente ng Returned and Services League of Australia.

Matapos nito ay nagkaroon ng isang programa kung saan ipinakita ang “video” na pinamagatang “Unsurrenderred 100 Voices.” Mapapanuod sa naturang “video” ang mga pangyayari noong World War II, kasabay ng mga patotoo ng mga beteranong nabubuhay pa hanggang sa kasalukuyan.

Kinilala rin sa programa ng pamahalaang panlalawigan ang pinakamatandang beterano sa Pangasinan na nabubuhay pa. Siya ay si U.S. Army Sgt. 1st Class Glicerio Valdez, Sr. mula sa bayan ng Alcala na ngayon ay edad 102 na. Si Valdez ang may hawak ng titulo bilang pinakamatandang beterano sa lalawigan sa loob ng tatlong taon.

Hinikayat naman ni Leticia Ramos-Shahani, nagsilbing panauhing pandangal, ang mga Pangasinense na magkaisa upang maibalik ang dangal na ipinamana ng mga beterano sa kasalukuyang henerasyon.

Bilang pagtatapos ng selebrasyon, sumailalim sa libreng konsultasyon ang mga beterano matapos ang programa na handog ng Provincial Health Office. Binigyan din sila ng libreng gamot at “gift packs.”

Isinagawa ang “Veterans’ Day” noong ika-siyam ng Enero sa Veterans Memorial Park, Capitol Compound sa bayang ito. (ANL/AMM-PIA 1 Pangasinan)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s