Hamon ng national artist: Itaguyod at ipreserba ang kultura

BY: BEN P. PACRIS

 

VIGAN CITY – Hinamon ng isang national artist  ang  mga cultural advocates at  cultural workers sa iba’t-ibang bayan at lungsod  sa Pilipinas  na magtulongan sa pamamagitan ng pagpapalitan ng kagamitan at kaalaman para mapreserba at maitaguyod ang kultura at tradisyon “dahil ito ang anino at kaluluwa ng isang komunidad na kayamanang maipagmana sa mga susunod na henerasyon.”

 

Ito ang idiniin ni Dr. Virgilio Almario, chairman ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF),  sa  pagbubukas ng tatlong araw na “National Training for Culture- Based Governance”  na naganap sa bagong Vigan Convention Center sa Heritage City kamakailan.

 

Sinabi ng National Artist ng Literatura na napakahalaga na malaman ang mga iba’t-ibang istratehiya ng mga  Local Government Units (LGU’s) sa pangangasiwa sa mga itinuturing na Heritage Sites tulad ng Vigan Heritage Village na nakatatak  na sa “World Heritage List” ng UNESCO at ang mga iba pang kultura at  tradisyon.

 

“Ang kultura na lang ang maipamamana sa mga susunod na salinlahi,” iginiit ng  kasapi ng Hunta ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

 

Tinanong pa ng sikat na manunula na   kumukubli sa  “pen name” na “Alma Rio” ang mga partisipante na galing sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon: “Ano ang dapat gawin sa mga gumuhong lumang simbahan na sinalanta ng lindol sa Bohol? Hayaan ba nating maitayo ang Torre de Manila na matatakpan  sa kalangitan ang monumento  ni Rizal sa Luneta? Dapat ba nating ipagbawal ang pagbili ng mga itinuturing makasaysayang “Stone Houses” sa Binan?”

 

Sinabi ni Almario na napakahalaga ang mga  cultural issues na ito dahil malaki ang epekto   sa mga mahahalagang   “kayamanan”  o dakilang mana  ng bansa na maiiwan sa mga susunod na henerasyon.

 

Hiniling din  ni  Mayor Eva Medina ang lahat ng LGU’s na makipagtulongan para manalo ang  Heritage City ng Vigan  sa pagpili ng “New 7 Wonder Cities of the World” dahil ang  Vigan ay pinarangalan ng World  Heritage Center ng UNESCO bilang “Best Practice in Heritage Management.”

 

Ipinakita ng alkalde ang “secret formula” ng  Heritage City  sa pamamagitan ng power point ang “Vigan Heritage Conservation Program as a Tool for Development” na dahil sa kakaibang kultura at tradisyon ng mga Ilokano nakakatulong ito sa paglago ng ekonomya at turismo.

 

Ang Cultural Congress na sinuportahan ng NCCA sa pamamagitan ng Philippine Cultural Education Program ay naglalayon na makabuo ng sari-saring kultura sa Pilipinas  kabilang na ang  mga cultural events tulad ng  piyesta at festival para  mapalaganap sa mga  paaralan, kolehiyo at unibersidad at iba pang institusyon sa bansa at buong mundo. (MCA/BPP/PIA -1 Ilocos Sur).

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s