Tagalog news: 300 pamilya nabiyayaan ng 4P’s sa San Vicente

SAN VICENTE, Ilocos Sur, Marso 13 (PIA) — Umabot sa 300 na pamilya mula sa mga pinakamaralitang komunidad ang nabiyayaan sa pamamagitan ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” (4P’s) sa bayang ito.

Ayon kay Mayor Nancy Tabanda, ang programang 4Ps na ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay malaking tulong para maitawid sa kahirapan ang mga itinuturing na “poorest of the poor” sa lipunan.

Sinabi ng alkalde na ang mga napiling mapapalad na pamilya ay mula sa mga depressed areas na mahirap ang uri ng pamumuhay at kabilang sa mga na-survey at inirekomenda ng DSWD sa pamamagitan ng National Household Targeting System (NHTS).

“Tulad ng pagbibigay ng PhilHealth cards sa mga kababayan nating kapus-palad para sa libreng serbisyo medical sa mga government hospital, malaki rin ang naitutulong ng pantawid program,” iginiit ni Tabanda sa paglulunsad ng programa sa municipal auditorium noong nakaraang Linggo.

Sa pamamagitan ng 4P’s o tinatawag din na Conditional Cash Transfer Program, napagkakalooban ng cash na P1,400 kada buwan sa bawat pamilya na beneficiary.

Hanggang tatlong anak lang ang maximum na bilang ng mga matutulungan ng programa sa kanilang pag-aaral. Tatanggap ang bawat bata ng P300 kada buwan maliban pa sa P500 na maibibigay sa mga magulang.

May kondisyon sa mga benepisyaryo na sila’y dapat dumalo sa mga family planning at responsible parenthood sessions sa pakikipag-ugnayan ng mga League of Civil Societies sa bawat buwan.

Ang mga buntis na ina ay matutulungan din sa pamamagitan ng libreng pagkonsulta at patnubay sa kanilang panganganak sa Municipal Health Center.

Ayon kay Provincial Social Welfare Officer Ferdinand Concepcion, kasalukuyang ding mino-monitor ng ahensya ang kalagayan ng lahat ng mga beneficiaries ng 4P’s sa Ilocos Sur para malaman kung tinutupad din nila ang mga kondisyong nakasaad sa pro-poor program na ito, idiniin ng opisyal ng DSWD.

Hiniling din ni Concepcion na palawakin pa ang 4P’s sa probinsya lalo na sa mga bayan na nasa kabundukan o sa mga lugar na nasa tabi ng dagat para maiangat ang uri ng pamumuhay.

Ipinapatupad pa ng pamahalaan ang pagbibigay ng monthly pension na P500 para sa mga maralitang senior citizens bilang bahagi ng “Expanded Senior Citizens Act.” (MCA/BPP- PIA1 Ilocos Sur)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s