Tagalog news: 50 residente sa Pangasinan nabiyayaan ng proyektong-pangkabuhayan

BALUNGAO, Pangasinan, Peb 27 (PIA) — Limampung mga residente mula sa pitong bayan sa Pangasinan ang nabiyayaan ng Negosyo sa Kariton o NegoKart, isang proyektong-pangkabuhayan na handog ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Ayon kay Arly Valdez, labor communications officer ng DOLE sa Rehiyon Uno, ang pamamahagi ng NegoKart ay isinusulong ng kagawaran upang mabigyan ng produktibo at mapapakinabangang hanapbuhay ang mga marginalisadong manggagawa at ang mga manggagawa na nasa impormal na sektor.

Tinanggap ng mga benepisyaryo ang kani-kaniyang mga kariton at iba pang kagamitan na nagkakahalaga ng P750,000 sa bayang ito nitong Huwebes. Ani Valdez, sasailalim din ang mga benepisyaryo sa pagsasanay tungkol sa produksyon, pagsasagawa ng isang negosyo at pagpapatakbo ng maayos nito para umunlad.

Nagmula ang mga benepisyaryo sa mga bayan ng Asingan (14), Sta. Maria (14), Balungao (9), Natividad (8), San Manuel (3), Tayug (1) at Rosales (1). Gamit ang natanggap na kariton, maaari silang magbenta ng pagkain na gaya ng “fish ball,” gulay, balut, mani at iba’t ibang kakanin.

Inihayag ni Grace Ursua, direktor ng DOLE sa Rehiyon Uno, na alay ng NegoKart sa mga benepisyaryo ang mas disente at pangmatagalang pagkakakitaan kung saan ay pwede silang makapagbenta ng legal dahil mayroon silang “business permit.”

Sa katunayan, nagbahagi ang lokal na pamahalaan ng Balungao ng halagang P209,510 na ilalaan para sa “value added taxes” at bayad sa “business permit” ng mga benepisyaryo.

“Sa tulong ng mga gamit na ibinigay sa kanila, mapapalago ng mga benepisyaryo ang kanilang kabuhayan sa higit na kumikitang negosyo na magbubunga ng kita na katumbas ng sa mga minimum wage earners,” pahayag ni Ursua.

Bukod sa ibinigay na kagamitan, tutulungan din ang mga benepisyaryo sa pagbuo ng isang organisasyon upang magkaroon ng benepisyo ang bawat kasapi sa Social Security System, Philippine Health Insurance Corporation, at iba pa.

Pinasalamatan ni Ursua si Marlyn Primicias-Agabas, ang kongresista ng ika-anim na distrito ng Pangasinan; si Philipp Peralta, alkalde sa bayan ng Balungao; at ang tanggapan ng DOLE sa bayan ng Rosales para sa kanilang mga kontribusyon upang maisakatuparan ang nabanggit na proyekto. (JCR/AMM-PIA1 Pangasinan kalakip ang ulat mula sa DOLE)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s