Tagalog news: Festival of lights, hangaring iposisyon ang Poro Point sa mapa ng turismo at pamumuhunan

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Lalawigan ng La Union Peb 20 (PIA) — Hangad ng “Sillag” o festival of lights ngayong taon na iposisyon ang Poro Point sa mapa ng turismo at pamumuhunan sa Hilagang Luzon.

Ito ay ayon kay Poro Point Management Corporation (PPMC) Board Chairman Ives Q. Nisce sa press briefing na ginanap sa San Fernando Airport Terminal Building kamakailan.

Dahil sa tagumpay ng Sillag noong unang pagkakalunsad nito noong nakaraang taon ay sinikap ngayon ng PPMC kasama ang pamahalaang panlalawigan ng La Union (PGLU) na magtakda ng isang masmaganda at masmatinding pagdiriwang ngayong taon.

Ang festival, na magaganap sa Marso 9 at 10, ay siya ring magtataguyod sa lalawigan upang maging sentro ng pamumuhunan para sa mga dayuhan at lokal na negosyante.

Ang Sillag ay masasabing kakaiba sa lahat ng pagdiriwang dahil nakatuon ang mga aktibidades sa gabi.

At bilang simbolo ng kabilugan ng buwan, masasabing ang Sillag ay isang liwanag sa kadiliman na maihahalintulad din sa liwanag na nagmumula sa Poro Point Lighthouse o parola na nagsisilbing ilaw ng mga barko at bangkang naglalayag sa kadiliman ng gabi, ani Nisce.

Binigyang-papuri at pinasalamatan din ni Nisce ang mga miyembro ng media dahil sa kanilang pakikipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan at maging sa pribadong sektor mula sa dating tagapagpalabas lamang ng balita at istorya at ngayo’y isa na ring mabisang kasangkapan at kaagapay sa pagbabago at pag-unlad ng lipunan.

Nagpasalamat din siya sa lahat ng kanilang mga partner at locator na naging katuwang upang maging matagumpay ang unang pagdiriwang ng Sillag noong 2012 at sa muling pagbibigay-suporta at pakikipagtulungan sa nalalapit na muling selebrasyon.

Sa kabilang banda ipinagmalaki naman ni PPMC President at Chief Executive Officer Florante S. Gerdan na naging palaisipan na sa iba’t ibang rehiyon ang SILLAG festival partikular sa rehiyon dos na kung saan siya ay tubo at hinihintay na rin umano nila ang pagdiriwang ngayong taon.

“Isinabay na namin ang selebrasyon sa ika-163 anibersaryo ng lalawigan ng La Union sa pagnanais na magtuloy-tuloy ang paglago ng samahan sa pagitan ng Freeport Zone, ang media, sektor ng pagnenegosyo, PGLU at mga lokal na pamahalaan,” ani Gerdan.

Dagdag ni Gerdan, palalawigin din ang “synergy” para sa corporate social responsibility ng PPMC lalo na ng isang pagdiriwang na magiging tatak ng La Union bilang isang investment destination sa Hilagang Luzon sa mga darating pang mga taon.

Nagbigay naman ng positibong pananaw ang Provincial Information and Tourism Officer ng La Union na si Adamor Dagang hinggil sa magiging resulta ng Sillag ngayong 2013 at sinabi pa niyang maging ang Punong Panlalawigan Manoling C. Ortega ay naniniwala na ang festival ay magiging isa sa dadayuhin at paka-aabangan ng maraming turista sa lalawigan. (MCA/MPA-PIA1 La Union)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s