Tagalog news: Bayanihan ng mga residente sa Pangasinan, daan sa pagpapatayo ng palaruan

LUNGSOD NG URDANETA, Peb 11 (PIA) — Isang kongkretong palaruan ng basketbol ang maitatayo sa kauna-unahang pagkakataon sa barangay Mabanogbog sa lungsod na ito dahil sa pagtutulungan ng mga residente dito at sa proyektong ng Galing Mo! Campaign.

Ang palaruan, na tinatawag na “court of inspiration,” ay hindi lamang tutulong na malinang ang kakayahan ng mga kabataan sa larangan ng palakasan bagkus ito rin ay magsisilbing lugar na pagdarausan ng iba’t ibang mga okasyon sa komunidad.

Ipinakita ng mga residente sa Mabanogbog na buhay pa rin ang diwa ng bayanihan sa boluntaryo nilang pag-aalay ng serbisyo upang maitayo ang palaruan na sinimulang gawin nitong linggo at inaasahang makukumpleto matapos ang dalawampu’t isang araw.

Ayon kay Geri Pacleb, ng Geiser Maclang Marketing Communications, Inc., ang paggawa ng palaruan ay naaayon sa Galing Mo! Campaign, isang proyekto para sa komunidad na inilunsad ng Alaxan FR mula noong Hulyo 2012.

Ito ay nagbigay-daan sa konstruksyon ng 10 palaruan ng basketbol sa Visayas at Mindanao noong nakaraang taon. Sampu pang palaruan ang itatayo naman sa Luzon ngayong 2013.

Bukod sa Pangasinan, nakatakda rin na patayuan ng palaruan ng basketbol ang mga lalawigan ng Tarlac, Nueva Ecija, Batangas, Isabela, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Camarines Sur at Albay.

Inihayag ni Pacleb na hinihikayat ng proyekto ang mga mamamayan na ikarangal ang kanilang pinagsama-samang hirap na siyang babago sa komunidad.

Aniya, “Ang pagsisikap na maitayo ang palaruan ay makatutulong sa kanilang komunidad at magbibigay sa kanila ng inspirasyon upang tularan ang mga iniidolo nilang manlalaro ng basketbol.”

Kapag natapos nang gawin ang palaruan, isang “exhibition game” naman ang gaganapin sa pagitan ng mga residente at ng mga mahuhusay na Pilipinong basketbolista gaya nina Johnny Abarrientos, Jerry Codiñera, Jojo Lastimosa, Ronnie Magsanoc, Benjie Paras at Alvin Patrimonio.

Ang mga nabanggit na basketbolista ay katuwang ng Alaxan FR sa pagtataguyod ng proyektong ito.

Lalagyan din ng “legend markers” ang palaruan. Ilalagay dito ang mga makabuluhang mensahe ng mga mahuhusay na Pilipinong basketbolista na isusulat sa salitang Ilocano upang madaling maintindihan ng mga residente at mahimok silang isabuhay ang mga katangian ng mga basketbolistang naging kampeon sa kanilang larangan. (MCA/AM-PIA1 Pangasinan)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s