Tagalog news: RSOTG ng La Union hinihingi ang kooperasyon ng bawat mamamayan para sa SAFE 2013

KAMPO OSCAR FLORENDO, Lungsod ng San Fernando, Enero 9 (PIA) — Puspusan ang paghimok ng pinuno o Task Group Commander ng Regional Special Operations Task Group (RSOTG) ng La Union na si Police Senior Superintendent Reynaldo G. Biay para sa pakikipag-tulungan ng bawat mamamayan dito sa lalawigan sa pagsusulong ng kampanyang SAFE 2013 o secure and fair elections 2013

Ito ay ang mapayapa at patas na eleksiyon ngayong taon, ayon kay Police Superintendent Jovencio S. Badua Jr. na siyang kumakatawan sa Public Information Office ng Police Regional Office 1.

Si Biay, na siya ring Battalion Commander ng Regional Public Safety Battalion 1 (RPSB1), ay humingi ng suporta sa mga puwersa ng mga pulis ng La Union, pribadong sektor, simbahan, civil society groups, lokal na media at sa publiko upang mas mapaigting at maisakatuparan ang implementasyon ng planong kampanya para sa seguridad ngayong eleksiyon.

“Anumang impormasyon hinggil sa mga Partisan Armed Groups (PAGs), mga hindi rehistradong sandata, mga gun for hire na personalidad o mamamatay tao at grupo ng mga kriminal, wanted o ang mga may kasalukuyang warrant of arrest at lahat ng may kinalaman o nakikitang maaring makaapekto sa minimithing mapayapang eleksiyon ay ipagbigay-alam sa pamamagitan ng short messaging system o text, tawag sa mga numerong 09056646787 o 09398368483, o di kaya’y mag-email sa rsotg_launion@yahoo.com para sa mas mabilis na aksiyon o pagresponde,” ani Biay.

Nabalita kamakailan na ang La Union ay kabilang sa 15 priority provinces o lalawigan na ayon sa bagong talagang PNP Chief Alan Purisima ay dapat na mabigyang prayoridad at agarang aksyon ng mga pulis dahil sa mga nakaraang mga insidente, upang mabigyang lunas ang lahat ng problema, kabilang na ang PAGs at iba pang layuning makakaapekto sa kaayusan at katahimikan ng probinsiya.

Binanggit pa ni Biay na bunga ng puspusang operasyon ng mga pulis sa paghanap at pagkumpiska ng mga di-lisensiyadong mga armas, ay umabot na sa 884 ang mga armas na na-verify at 35 sa mga ito ay inirenew na ang lisensiya.

Upang mabigyang babala at paalala ang mga may-ari ng mga hindi pa nairehistro o nag-expired nang mga lisensiya ng mga baril sa listahan ng PNP, personal na mismo nilang binibisita ang mga ito sa kanilang mga bahay. Iminumungkahi na dapat nang iparehistro ang kanilang mga armas at kung hindi ay wala silang magagawa kundi isuko o ipatago muna ang kanilang di-lisensiyadong mga baril sa mga pulis.

Ayon kay PSupt. Badua, pinag-iibayo din ng mga pulis ang iba pang mga operasyon para sa eleksiyon gaya ng regular na pagsasagawa ng checkpoint, Oplan Sita/Oplan Bakal, pakikipag-dayalogo sa mga tao sa komunidad, pagtukoy at paghuli sa mga wanted na kriminal at gayun na rin ang mga bilanggo sa iba’t ibang District Jail at City Jail sa La Union.

Tinukoy din ang mga numerong maaring tawagan para sa Pangasinan task group na pinamumunuan ni PCSupt James B Bucayu at ito ay ang numero 09056661131 at 09477203755, gayundin ang sa Ilocos Sur na pinamumunuan naman ni PSSupt Manolito C. Labador at ito ay ang mga numerong 09159457576 at 09281432990. (ANL/MPA-PIA1 La Union kaakibat ang ulat mula sa PIO-PRO1)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s