Tagalog News: Mga panday sa Calasiao tumanggap ng tulong-pinansiyal mula sa DOLE

CALASIAO, Pangasinan, Oktubre 20 (PIA) — Tumanggap ng tulong-pinansiyal ang mga panday na kasapi ng Aliguas Blacksmith Workers Association (ABWA) na nagkakahalaga ng P317, 250 mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa Rehiyon Uno.

Ipinahayag ni Grace Ursua, direktor ng DOLE sa Rehiyon Uno, na layunin nitong mapanatili at mapahusay ang pagpapanday na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente sa Sitio Pandayan, Barangay Gabon sa bayang ito.

“Nais namin na higit na mapayaman ang kakayahan ng mga panday, gawin silang mas produktibo at magkaroon sila ng kaalaman sa pagsisiguro ng kanilang kaligtasan at kalusugan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng iba’t ibang pagsasanay,” ani Ursua.

Dagdag niya, katuwang ng DOLE ang lokal na pamahalaan ng Calasiao at ang Public Employment Services Office (PESO) nito, ang Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Science and Technology (DOST) sa pagsasakatuparan ng mga ito.

Sasanayin ang mga panday kung paano ang pamamahala ng samahan, ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili at pagrespeto sa karapatan ng iba, at simpleng pagtatala ng mga kalakal.

Magsasanay din sila sa paggawa ng mga itak at espada, at ipapaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng PhilHealth at Social Security System.

Ayon kay Joel Magalong, pangulo ng ABWA, nagagalak sila sa tulong-pinansiyal na ibinigay ng DOLE sa kanilang samahan.

Aniya, “Malaki ang maitutulong nito upang mapabuti ang aming hanapbuhay na mas matanda pa sa isang tauhan sa Filipino komiks na si Panday.”

Para sa mga mamamayan ng Calasiao, ang pagpapanday ay isang ‘ginintuang pamana’ na nag-ugat sa bayan ng Binmaley bago pa man ang World War II at nagpasalin-salin na sa mga sumunod na henerasyon.

Umaasa kami na ang industriyang ito ay kikilalanin din sa ibang bansa, hindi lamang ang kanilang mga produkto kundi maging ang galing ng mga panday dito, sinabi ni Ursua. (ANL/AMM-PIA 1 Pangasinan kalakip ang ulat mula sa DOLE)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s