News feature: Isang simpleng at murang medical procedure laban sa kidney disease

By Carlo P. Canares

LUNGSOD NG LAOAG, Sept. 28 (PIA) — Isang simple at murang medical procedure lamang ay maaaring makapagligtas ng tao sa malalang komplikasyon sa sakit sa bato.

Sa isinagawang Kapihan sa PIA sa Laoag City, sinabi ni Dr. Wilfredo Magcalas, coordinator ng Renal Disease Control Program sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City, na kailangan lamang gumamit ng simpleng pagsusuri upang agarang malaman kung ang isang pasyente ay posibleng mayroong sakit sa bato.

“Urinalysis o pag-eksamen sa ihi ang basic tool upang maagang masuri kung sakaling mayroon kidney disease ang isang tao. At dahil dito, maiiwasan agad ang paglala sa sakit sa bato,” paliwanag ni Dr. Magcalas.

Mayroon kasing mga pasyente na agarang isinasailalim sa ultrasound, x-ray, clinical chemistry at iba pang medical procedure. Hindi lahat ay nangangailangan nito.

“Urinalysis lamang ay makakasagot na nang mga posibleng sakit ng pasyente. Hindi lamang ito simple, kundi mura pa. Singkwenta pesos lamang ito at malaking tulong sa maagap na pagsusuri at paggamot sa sakit sa bato,” aniya.

Ipinaliwanag sa nasabing kapihan na makikita na agad kung mayroon maagang sintomas kagaya ng mga pagkakaroon ng red blood cells o dugo, pus cells o nana, protina at glucose na magpapahiwatig kung mayroon mas malalang sakit.

Dahil sa simpleng urinalysis, maaaring mailigtas ang isang pasyente sa mas malalang problema sa sakit sa bato.

Ang Kapihan sa PIA na isinagawa sa La Preciosa Restaurant sa Laoag nitong Septyembre 26 ay dinaluhan ng mga miyembro ng media mula sa panulat, radyo at telebisyon.

Ang pagpupulong ay isa sa mga proyekto ng REDCOP, isang programa ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at Department of Health (DOH).

Sinimulan noong dekada 1990s, ang REDCOP ay isang pambansang programa na nagsasakatuparan ng mga proyekto at mga aktibidad upang mabawasan ang tumataas na bilang ng mga may sakit sa bato sa bansa.

Isa sa mga pangunahing layunin ng programa ay ang palaganapin ang mga impormasyon, edukasyon at komunikasyon (IEC) at adbokasiya sa pagtataguyod ng malusog na bato.

Katulong sa pagpapalaganap ng IEC at komunikasyon at adbokasiya ay ang Philippine Information Agency kasama ang iba’t-ibang media.

Ang pangunahing isyung pangkalusugan na hinaharap ng REDCOP ay ang renal disease prevention, o ang pagpapalaganap ng mga kaalaman para makaiwas sa mga sakit sa bato.

Ang iba pang mga layunin ay ang pagsusulong ng malusog na pamumuhay, ang pag-iwas sa mga pagkain na maaaring magdulot ng sakit na makakasira sa bato. At higit sa lahat, ang mailigtas ang mga tao mula sa mga komplikasyon sa bato na maaaring mauwi sa End Stage Renal Disease (ESRD), sa organ transplantation, o di kaya, ay sa kamatayan.

Sa kasalukuyan ang renal disease ay pang-pito sa sampung nangungunang nakamamatay na sakit sa bansa. Bawat taon mahigit 12,000 Pilipino ang nagkakaroon ng ESRD na nangangailangan ng dialysis o transplantation na lubhang napakamahal sa gastusin. (ANL/CPC-PIA1 Ilocos Norte)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s