Tagalog news: 35 water pumps naipamigay sa mga barangay, grupo ng magsasaka sa San Juan

SAN JUAN, Ilocos Sur, Set. 13 (PIA) — Nabigyan ng tig-iisang water pump ang 32 barangay at tatlong grupo ng mga magsasaka sa ginanap na programa sa Municipal Coliseum dito noong Setyembre 11 upang matulungan silang mapaunlad ang kanilang ani.

Sinabi ni Rep. Ryan Singson na ang mga ipinamigay na kagamitan na nagkakahalaga ng P1 milyon sa ilalim “Food Production Program” ng pamahalaan ay upang mapaunlad ang sektor ng agrikultura. Ang pondo ay galing sa R.A. 7171 o Tobacco Excise Tax.

“Ang tulong at gabay sa mga magsasaka at mangingisda ang pinagtutuunan ng pamahalaan sa lalawigang ito na itinuturing na agricultural province at pangunahing probinsiya na nagtatanim ng Virginia tobacco sa bansa,” ani Singson.

Sinabi din niya na maliban sa mga kagamitan ng mga magsasaka na ipinamamahagi sa iba’t ibang bayan, tulad ng kuliglig o farm tractor at rice thresher, ginagawa rin ang farm-to-market roads sa mga liblib na pook ng bayan sa probinsya.

Sa bayan ng San Ildefonso, napagkalooban ang mga magsasaka ng 14 na kuliglig kamakailan. Sa Ayusan Norte sa Vigan City, naipagawa ang farm-to-market road para makatulong sa mga magsasaka na madaling maibiyahe ang kanilang produkto sa merkado at para na rin sa kapakanan ng mga naninirahan dito.

Sinabi rin ng kongresista na bilang bahagi ng “Food Security Program,” naipagawa ng pamahalaan ang mga piskarya o fish cages sa mga bayan na malapit sa dagat tulad ng Caoayan, Sinait at Cabugao at nakapamigay ng libreng tilapia, bangus fingerlings at feeds.

Samantala, pinangunahan kamakailan ni Singson ang “Cleanup Drive” sa coastal town ng Sinait, sa tulog ng mga boluntaryong bantay dagat at sangguniang kabataan (SK), kung saan sila ay nagtanim ng mangroves para matugunan ang banta at epekto ng climate change. (ANL/BPP/PIA 1-Ilocos Sur)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s