Tagalog news: Galing ng Ilocano, namayagpag sa pambansang patimpalak

LUNGSOD NG LAOAG, July 27 (PIA) — Gamit ang hinabing tela ng Ilocos, pinatunayan na naman ng isang Ilocano ang kanyang talento na maaaring maipagmamalaki sa buong mundo.

Iwinagayway ng batang fashion designer na si Amor Albano ang bandera ng Ilocos nang siya ay sumali sa patimapalak sa pagdidisenyo at paggawa ng mga damit sa programang ‘Project Runway Philippines’, ang lokal na bersyon ng international television show na parehong pangalan.

Ginamit ni Albano ang ‘Abel Iloco’, ang lokal na tela na yari sa mga pinagtagpi-tagping sinulid mula sa dahon ng pinya, water lily at ngayon, ginagamit na din ang tangkay ng saluyot.

Dumadaan sa proseso ang paggawa ng nasabing tela. Una, mula sa nabuong sinulid mula sa mga dahon ng pinya, waterlily at tangkay ng saluyot, kinukulayan ito ng mga matitingkad na kulay at saka inaayos na ayon sa disenyong gusto ng manghahabi.

Kapag naayos na ang mga ito, hinahabi na ang mga ito gamit ang ‘pagablan’ (panghabing gawa sa kahoy). Ang ‘pagablan’ ay pinapaandar sa pamamagitan ng tamang kumpas ng mga paa at kamay ng isang manghahabi.

Kilala ang Paoay sa Ilocos Norte sa paggawa na ‘Abel’. ‘Inabel’ ang tawag sa tela, samantalang ‘Abel o Panagabel’ ang tawag sa proseso ng paggawa nito. Subalit, sa kalaunan, nakasanayan na ng mga Ilokano ang pagtawag ng ‘Abel’ maging sa telang niyayari dito.

Sa Paoay din, nakakitaan ng fashion designer na si Amor Albano ng potensyal ang nasabing tela. Nang minsang, ayon sa kanya, ay nagawi siya sa bayan ng Paoay at nakita niya ang mga produktong gawa sa ‘Abel’ na gaya ng kumot, punda ng unan, tuwalya, table runners, at minsan ginagawa ding basahan o pamunas na lamang.

Si Albano na tubong Laoag City, ay nakipagsapalaran sa ‘Project Runway Philippines’, wala siyang pormal na pag-aaral sa pagdidisenyo at natuto lamang siya sa pagsama-sama sa kanyang mga kaibigan.

Noong una, walang, masyadong inaasahan si Amor, gaya ng nakararami, gusto lang niyang makita ang kanyang sarili sa telebisyon, subalit noong lumaon at nagtagal na siya sa palatuntunan, na-kipagsabayan na din siya sa galing ng mga katunggali, kaya ipinakita na din niya ang kanyang natatanging galing sa pagsisidensyo.

Gamit ang “Kapurpurawan Rock Formation”, bilang inspirasyon, isa ring ipinagmamalaki tourist spot ng Ilocos Norte, nagawa niyang pagsamahin ang kagandahan ng Ilocos at ng kanyang mga disenyo gamit ang tela ng ‘Abel’.

“Nakita ko kasi na ang ‘Abel’ dito sa Ilocos na hindi masyadong ginagamit sa mga matataas na antas ng pagdidisenyo, katulad ng mga night gowns, party dresses at mga damit na pang-high-class talaga, kaya dito ako nagsimulang na-inspire” paliwanag ni Albano.

Sa puntong ito, naisip ni Albano na gamitin ang hinabi na tela ng mga Ilokano. Ito na, aniya, ang panahon na ipamalas ang ipinagmamalaking tela, ang abel Iloko.

Bilang isa sa mga nakapasok sa top 4 sa ‘Runway Philippines’, nagkaroon siya ng pagkakataong iwagayway ang mga talento at gawang Ilocano sa telebisyon. Sa kanyang ‘final collection’, namutawi ang ganda ng telang ‘abel sa kanyang mga gawang damit at naging kapansin-pansin ang paggamit niya ng lokal na telang ito.

Sa katunayan, ang sikat na fashion designer na si Rajo Laurel ay napabilib sa paggamit ni Amor na telang ‘Abel’ para sa kanyang koleksyon’.

“I know abel is one of the hardest fabric to manipulate when it comes in designing, but it is very brave of you to use your local fabric in showcasing your design, and I compliment you for that,( isa sa pinakamahirap na telang ginagamit sa pagdidisenyo ang Abel ng Ilocos, kaya naman pinupuri kita sa paggamit nito)” sabi ni Laurel.

“Gusto ko kasing patunayan na may mararating ang Abel at maaari siyang gamitin talaga sa matataas na antas ng pagdidisenyo at hindi lamang hanggang sa mga kumot, unan, at mga pamunas” sabi pa ni Amor.

Hindi man nasungkit ng fashion designer na Albano ang pinakatugatog ng tagumpay sa katatapos lang na patimapalak, naisakatuparan naman niya ang isa sa kanyang layunin na ibandera ang talino, husay at yaring Ilocano sa pambansang telebisyon.

Sa ngayon, mas piniling manatili ni Amor sa probinsya at pagyamanin ang kanyang talento bilang isang fashion designer sa pamamagitan ng paggawa ng mga damit na maaaring ihanay sa mga pomosong disenyo sa malalaking siyuidad, gamit ang sariling produkto at masasabing tatak Ilocano. (ANL/CDG-PIA 1 Ilocos Norte)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s