Tagalog news: Presyo at kalidad ng mga gamit pang-eskuwela, tinutukan ng DTI

DAGUPAN, Pangasinan, Hunyo 3 (PIA) — Masusing tinutukan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo at kalidad ng mga gamit pang-eskwela bilang pakiisa sa programa ng Department of Education (DepEd) na “Oplan Balik-Eskwela,” upang mapaghandaan ang simula ng pasukan sa Lunes, ika-apat ng Hunyo.

Minatyagan ng DTI ang presyo ng mga kagamitang pang-eskwela. Kanilang napag-alaman na ang mga kagamitang ibinebenta sa lungsod ng Alaminos, Dagupan at Urdaneta ay may halagang mas mababa sa itinakda ng mga kumpanyang gumagawa nito.

Masuwerte umano ang mga mamimili dahil sa murang presyo ng bilihin. “Natutuwa kami na hindi nila sinasagad sa ‘suggested retail price’ (SRP),” pahayag ni Marjorie Loresco ng DTI sa katatapos na KBP Forum na ginanap sa tanggapan ng Philippine Information Agency.

Nilinaw din niya na ang mga pangunahing kagamitang pampaaralan gaya ng lapis, bolpen at kuwaderno ang tanging nabigyan ng SRP. Samantala, walang SRP ang bag dahil puwedeng pumasok ang bata na wala nito pero hindi makakapag-aral kung wala ang mga nabanggit na kagamitan.

Nagbigay naman ng impormasyon si Loresco ukol sa pagbili ng mga gamit pang-eskwela nang masigurong dekalidad ang produktong bibilhin.

Halimbawa aniya sa mga krayola, dapat tingnan ng mga mamimili ang mga sumusunod: tatak-pangalakal; bilang ng pangkulay sa kahon; pangalan at tirahan ng distribyutor; ang salitang “non-toxic” na nagpapahayag na ito ay nasuri at nakapasa sa “allowed toxicity level” na itinakda ng Food and Drug Administration; at bansa kung saan ginawa ang produkto.

Dagdag pa niya na ang mga produktong mula sa ibang bansa ay dapat na may etiketang nakasalin sa wikang Ingles. Kung walang pagsasalin, mainam na huwag na lamang itong bilhin para maiwasan ang pagkakasakit na bunga ng mga nakalalasong kemikal na maaring nakahalo sa mga ito. (JCR/AMM-PIA1 Pangasinan)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s