Tagalog news: DepEd sa lungsod ng Dagupan ipinatupad ang “no collection policy”

LUNGSOD NG DAGUPAN, Mayo 29 (PIA) — Ipinatupad ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd sa lungsod na ito ang “no collection policy” sa lahat ng mga pampublikong paaralaan kapag nagpatala ang mga magulang ng kanilang anak ngayong nalalapit na pasukan.

Ang “no collection policy” ng DepEd ay nagbabawal sa mga guro ng pampublikong paaralan na mangolekta ng anumang bayarin mula sa mga mag-aaral upang mahikayat ang marami pang magulang na pag-aralin ang mga bata at magkaroon ng pangunahing edukasyon.

Inihayag ngayong araw ng tagapangasiwa ng edukasyon sa lungsod na si Dr. William Macob sa kanyang panayam sa isang istasyon ng radyo na lahat ng mga guro rito ay naabisuhan na ukol sa patakarang ito. Nabigyan na rin sila ng mga patnubay para huwag maningil ng kahit anong kontribusyon ngayong pagpapatala.

Ayon kay Macob, “Makakaasa ang lahat ng mga magulang na walang maniningil sa kanila kapag nagpa-enrol ang kanilang anak ngayong pasukan.”

Nilinaw din niya na hindi kokolektahin ang mga bayarin sa paaralan na boluntaryo sa panahon ng pagpapatala at sa buwan ng Hunyo.

Kabilang dito ang pagbabayad ng Boy Scout of the Philippines (BSP), Girl Scouts of the Philippines (GSP), Philippine National Red Cross (PNRC), Anti-Tuberculosis Fund Drive, Parents-Teachers Association (PTA), pahayagan at paglahok sa mga organisasyon.

Ngunit, ang mga ito ay babayaran sa buwan kung kailan magdaraos ng okasyon ang mga organisasyon. Halimbawa, ang bayad sa BSP ay kinokolekta tuwing Oktubre para sa pagdiriwang ng Boy Scout Organization at ganoon din ang bayad sa GSP, paliwanag ni Macob.

Ang patakarang ito na nagbibigay pagkakataon para sa lahat ng kabataang Pilipino na makapag-aral ng libre ay isa sa mga hakbang ng pamahalaan upang labanan ang kahirapan.

Ito rin ay pagsasakatuparan sa pangako ng DepEd na magkaroon ng edukasyon ang lahat. Tinataya rin na sa taong 2015 makakamit ang isa sa mga layunin ng Millennium Development Goal (MDG) patungkol sa edukasyon. (ANL/AMM-PIA 1 Pangasinan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s