Tagalog news: SWS Survey, isang malaking hamon para sa DSWD1

LUNGSOD ng SAN FERNANDO, La Union May 22 (PIA) — Ang paglabas kamakailan ng isang bagong Social Weather Station (SWS) Survey kung saan naiulat ang pagtaas ng bilang ng mahihirap dito sa bansa ay naging isang malaking hamon para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dito sa rehiyon.

Ito ay nagbigay ng atensyon sa kagawaran na lalo pang pag-ibayuhin ang pagtulong sa sektor ng mahihirap at mahihina nang mga mamamayan sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga programang nakapaloob sa Social Protection Program, ito ay ayon kay DSWD1 Information Officer II Iryn de los Reyes.

Inihayag ni de los Reyes na mayroong kabuuang bilang na 206,030 na mga mahihirap at mahihina nang mga tao at pamilya dito sa rehiyon uno ang nakatanggap na ng tulong mula sa Social Protection Program nitong unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan.

Ang Conditional Cash Transfer Program na mas kilala sa tawag na 4Ps, isang programa ng pamahalaang nasyonal na naglalayong mapaunlad ang antas ng pamumuhay ng mga tao at isang estratehiyang tumututok sa proteksiyong pangkalusugan at edukasyon ng mga batang nagmumula sa mahihirap na angkan at may edad na 0 hanggang 14.

Layunin din ng 4Ps na isulong ang karapatan ng mga batang ito na mabuhay, mabigyang-proteksiyon, mapabilang o makilahok, at umunlad.

Ayon pa kay de los Reyes, sa kasalukuyan ay umaabot na sa 117,306 na benepisyaryong pamilya dito sa rehiyon ang nabigyan na ng cash grants para sa kanilang mga anak sa kondisyong dapat ay regular na magpapatingin sa doktor ang nanay nilang nagbubuntis kung mayroon man, regular ding pagbisita sa doktor ng naturang mga bata, pursigidong pakikilahok at pagdalo ng mga sesyon tungo sa pagpapaunlad ng pamilya ng kanilang mga magulang, at ang 85 porsiyentong kaseguruhang pagpasok ng bata sa paaralan.

Sinabi ni de los Reyes na bilang panghuling estratehiya upang mapanatili at tuluy-tuloy ang maidulot na pag-unlad sa buhay ng mga pamilyang napasali sa una at pangalawang pangkat (Set 1, Set 2) ng 4Ps sa mga bayan ng Bolinao, Mabini, Aguilar, at Urbiztondo sa lalawigan ng Pangasinan; Santol at Bagulin sa La Union; at Sugpon sa Ilocos Sur, ay muling nabigyan ang may 1,322 benipisyaryo ng tulong pang-kapital na may pinakamataas na halagang umaabot sa P10,000 bawat isa, depende sa kung anong paglalaanang proyektong pangkabuhayan.

Yaong mga naturang benepisyaryo din ang binibigyang prayoridad na mapasok sa trabahong sumasailalim sa programang Employment Facilitation na pinagsosyohan ng DSWD at ng Department of Public Works and Highways o DPWH.

Ipinagbigay-alam din ni de los Reyes na ang iba pang proyektong sumasailalim sa social protection na ipinapatupad dito sa rehiyon ay patuloy na kumakalinga at nagbibigay-solusyon sa bawat hinaing ng mga abang kinabibilangan ng mga biktima ng kalamidad, matatanda, at mga batang alagain pa.

May 500 pamilyang biktima ng mga nakaraang bagyo at nangawalan ng mga tahanan sa lalawigan ng Pangasinan at Ilocos Sur ang napagkalooban na ng mga tirahang subok na ang tibay laban sa mga bagyo.

Kasama ang mga lokal na pamahalaan ng Bani, Rosales, Sta. Barbara sa Pangasinan at Santa sa Ilocos Sur sa mga kasosyo ng DSWD sa pagpapatupad ng proyektong ito sa pamamagitan ng pagbibigay donasyon ng lupang pinagtayuan ng mga bahay at nagdagdag o nagbabayad din ng mga trabahador bilang tulong at suporta sa naturang programa.

Sa pagpapatuloy ng programang pagpapakain sa mga batang mag-aaral o Supplemental Feeding Program, binigyang-patotoo ng DSWD1 ang anila’y kabuuang 73,154 na mga bata sa mga Day Care Canters na kabilang sa mga lugar na tinarget ang nakakitaan ng pagbuti ng pangangatawan at tamang nutrisyon, samantalang napagyaman naman ang kakayahan ng mga magulang sa pag-aalaga ng kanilang mga anak dahil sa regular na pagdalo nila ng mga isinasagawang sesyon hinggil sa mabisang paraan ng pagiging magulang, pagsasaayos, pagsinop, at pag-aalaga ng tahanan na itinuturo ng mga napiling tagapag-turo mula sa DSWD, kasama ang mga organisasyong panlipunan o komunidad, ani de los Reyes.

Mayroon ding 13,748 na mga dukhang matatanda dito sa rehiyon, ang napagkalooban na ng kabuuang halaga na P20.6 milyon pisong tulong o panggastos mula sa proyektong Social Pension na kanilang ginagamit bilang pambili ng kanilang pangunahing pangangailangan at gamot.(ANL/MPA-PIA 1 La Union)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s