Feature: La Virgen Milagrosa de Badoc: Pagpapanatili ng tradisyon, debosyon, turismo

LUNGSOD NG LAOAG, May 17 (PIA) — Ang buwan ng Mayo ay buwan ng mga pista. Naglalakihang mga higantes, nagbabanguhang mga bulaklak at naggagandahang mga dalaga at binata sa mga parada. Lahat ay sumasalamin sa kanilang kultura, pagpapanatili sa tradisyon, pagpapatibay ng debosyon at pagpapayabong ng turismo ng bawat bayan sa lahat ng lalawigan sa bansa.

Isa sa pinakaiingatang yaman ng lalawigan ng Ilocos Norte ay ang pagkakaroon ng maunlad na turismo, sadya kasing mayaman ang lugar na ito sa ganda ng tanawin. Magkagayunman, pilit pa ring tinutulak ng lokal na pamahalaan sa pakikiisa ng 21 bayan at dalawang lungsod nito na ipakilala sa buong mundo ang yamang taglay nito. Kapag kasi maunlad ang turismo, ibig sabihin sagana sa kultura at yaman ng bansa.

Nitong buwan ng Mayo ibinanderang muli ng Ilocos Norte ang kanilang kayaman at pagiging malikhain sa pamamagitan ng pagdiriwang ng kauna-unahang Pista sa Probinsya. Ito ang Pista ng La Virgen Milagrosa.

Ayon sa kuwento, natagpuan ang imahe ng La Virgen de Milagrosa noong 1620, halos 400 taon na ang nakararaan sa baybayin ng Badoc at Sinait, Ilocos Sur. Imahe ng Sto. Cristo Milagroso at La Virgen Milagrosa ang kanilang namataan.

Sa kuwento, sinasabing tanging ang mga mangingisda ng Badoc ang nakabuhat sa imahe ng La Virgen Milagrosa at tanging mga mangingisda naman sa Sinait ang nakabuhat ng imahen ng Sto. Cristo Milagroso.

Mula noon, bawat imahe ay naging patron na ng kanilang mga bayan.

Sa Pista ng La Virgen Milagrosa, binigyan ng kakaibang turing ng lalawigan ng Ilocos Norte ang kombensyunal na pagdiriwang ng kapistahan. Naglalakihan ang mga pagdiriwang na sa unang pagkakataon din lang naipalabas at nasaksihan ng mga Ilokano.

Nagsagawa ng pagsasadula sa pagdating ni La Virgen Milagrosa sa puting buhangin ng Logo Cave sa Barangay Virgen la Milagrosa sa bayan ng Badoc, kung saan mismo natagpuan ang imahen. Dinaluhan ito ng mga deboto, iba’t ibang kawani ng lokal na pamahalaan at maging mga turista.

Nagsagawa din ng siyam na araw na nobena sa iba’t ibang parokya ng imahe. Ito ay bilang paghahanda sa malakihang prusisyon na isinagawa sa ikatlong araw ng pista. Dinaluhan ito ng mga bayan kasabay ng prusisyon ng mga naglalakihan nilang mga patron.

Nagkaroon ng Sta. Cruzan ng mga alkalde ng bawat bayan, na pinangunahan naman ni Cong. Imelda R. Marcos, Gov. Imee R. Marcos at mga pari sa lalawigan. Ang Sta. Cruzan ay karaniwan ng isinasagawa noong unang henerasyon bilang bahagi ng praktis ng mga debotong katoliko.

Sa kauna-unahang pagkakataon din sa kasaysayan ng Ilocos Norte, nagkaroon ng “Himala sa Buhangin”, ang unang pista sa gitna ng disyerto na isinagawa sa buhanginan ng Paoay, Ilocos Norte. Ang tanging disyerto sa bahagi ng Timog-Silangang Asya.

Naglalakihang mga art installation na gawa sa kawayan at abaka na isinagawa ng mga primyadong manlilikha na sina Leeroy New at Gerilya artists collective. Ang likha ni New ay isang malaking Bangka na replika ng bangkang nagdala sa imahe ng La Virgen Milagrosa. Sa kalaunan ng gabi ay isinagawa ang pagliliyab sa gawa ni New bilang replika ng ‘California Beach art burning’ sa Amerika.

Naghandog naman ng kasiyahan ang iba’t ibang programa gaya ng mga naggagalingan fire dancers, belly dancers, at mga banda gaya ng Wolfgang, Up Dharma Down, Better Than Noise, Powerpuff Corn, Hidden Nikki at Sleepwalk Circus. Bawat isa ay naging bahagi ng masayang gabi sa buhangin.

Nagpaigting din sa kasiyahan at pananabik ng mga dumalo 4×4 racing competition, Zorbing, Sand- castle building at mga kakaibang mga karanasan gaya ng mga pagkaing mala-disyerto at mga tambayang ‘arabian inspired’ kung saan naranasan ng mga Ilokano ang kulturang disyerto sa Ilocos.

Mahigit-kumulang 5,000 katao ang nakisaya sa “Himala sa Buhangin” na kinabibilangan ng mga residente, mga bisita at mga lokal na turista para tunghayan ang kakaibang pagdiriwang ng Pista sa disyerto sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ang unang Pista ng La Virgen Milagrosa sa lalawigan ng Ilocos Norte ay salamin ng kultura ng mga Ilokano. Ito din ay bahagi na ng kanilang debosyon sa pagsamba sa kanilang mga patron, na sa kanilang paniniwala ay nagdudulot ito ng himala at biyaya sa kanila.

Tumagal ang pista ng halos dalawang linggo, nagsimula itong ipagdiwang noong ika-2 hanggang ika-14 ng Mayo. Bahagi ito ng pagpapalago pa rin ng lalawigan sa kanyang turismo, paghikayat sa mga turista at paghahain ng mga bagong karanasan kaagapay ng kampanya nilang “Paoay Kumakaway!”. (ANL/CJD-PIA 1 Ilocos Norte)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s