Tagalog News: TESDA Specialista, rumaratsada na

LUNGSOD NG DAGUPAN, Mayo 16 (PIA) — Puspusang ikinakampanya ngayon ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang programang ‘technopreneur’ o TESDA Specialista Technopreneurship Program (TSTP) na nagsimula nang rumatsada sa mga bayan noong nakaraang taon.

Ayon kay Provincial Director Manuel Wong, layunin ng programa na mabigyan ng pagkakakitaan ang mga dating estudyante ng TESDA na kasalukuyang walang trabaho.

Ang programa na inilunsad ni Secretary Joel Villanueva noong Disyembre 2011, ay tutulong magbigay ng trabaho sa grupo ng mga ‘trainees’ sa pamamagitan ng pagbibigay ng puhunan sa negosyong gamay nila.

Sa pakikipagtulungan ng lokal ng pamahalaan, mabibigyan ang mga binuong grupo ng libreng espasyo kung saan nila pwedeng gawin ang negosyo tulad ng pagmasahe, pag-aayos ng sasakyan, beauty care, at pagkain.

Mura ang magiging singil ng mga grupo sa kanilang seserbisyuhan sa komunidad.

“Magkano man ang kitain nila sa negosyo, para sa kanila yun, wala silang babayaran sa TESDA kahit na isang kusing,” ani Wong sa programa ng Philippine Information Agency (PIA) noong Martes.

Ang mga grupo ay gagabayan ng mga katulong ng TESDA upang mapangalagaan at mapalago ang kanilang negosyo.

Sa kasalukuyan, mayroong dalawang grupo ng TSTP na nasa bayan ng Binmaley at Lingayen na nagsasagawa ng massage therapy, beauty care, at hairdressing.

Mayroon pang walong grupo ng TESDA na nakalinyang magnegosyo. Ito ay ang mga grupo sa bayan ng Calasiao at Mangatarem na nag-eespesialista sa automotive mechanic at small engine repair; Sta. Barbara, San Fabian, Sual at Bani na magnenegosyo ukol sa beauty care at massage therapy; at Asingan at Rosales na magbibigay naman ng serbisyo ukol sa pagkain at maiinom.

Pagkatapos ng anim na buwan, ang grupo ay inaasahang tatayo na sa kanilang sariling paa at mayroon nang sapat na kapital upang mapalago ang negosyo. (ANL/VHS-PIA 1 Pangasinan)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s