Tagalog News: Tatlong bagay na di malilimutan sa Palarong Pambansa 2012 sa Pangasinan – Sec. Luistro

LINGAYEN, Pangasinan, Mayo 16 (PIA) — Ipinahayag ni Department of Education Secretary Bro. Armin Luistro ang tatlong bagay na hindi malilimutan sa lalawigan ng Pangasinan bilang bahagi ng kanyang talumpati sa programa para sa pagtatapos ng Palarong Pambansa 2012 sa Narciso Ramos Sports and Civic Center (NRSCC) noong Sabado.

Una sa mga ito ang pagapanatili nito ng pamantayang pang-Olimpiko para sa pinagganapan ng mga laro kaya mas maraming palaro ang ginawa sa lilim ngayong taon kaysa sa labas. Siniguro rin ng lokal na pamahalaan na walang laro mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-dos ng hapon upang maiwasan ang sobrang init na maaring maging sanhi ng “heat stroke.”

Pangalawa ay ang pagpapakita ng lalawigan ng halimbawa, kung paano nagtutulungan ang bawat local government unit (LGU) upang maipadama ang mainit nilang pagtanggap sa mga bisita. May sapat na suplay ng pagkain at nagbibigay pa sila ng pabaon, ang pangangailangang medikal ay inihandog ng libre sa mga atletang nagkasakit, at nagtayo ng mga pansamantalang palikuran at paliguan sa lahat ng mga paaralan para sa mga kalahok.

Pangatlo, ang palaro sa taong ito ang “cleanest” at “greenest.” Ito ay dahil sa pagsisikap ng lalawigan na masigurong malinis ang mga daan at may mga basurahan upang hindi nakakalat ang dumi. Iniulat din ng komite sa “clean and green” na lahat ng mga kalahok na rehiyon ay sumunod sa pamantayan ng palaro pagdating sa kalinisan at pangangalaga ng kalikasan gaya ng hindi paggamit ng “styrofoam” at plastik.

“Ang sabi ko tatlo lang, kaya lang may pahabol,” winika ni Luistro. Paliwanag niya, ito ang unang palaro na nagkaroon ng “five-star accommodation” ang mga “technical official” dahil naka-“air condition” ang kuwarto nila sa NRSCC. Sa Palarong Pambansa 2012 din nakapagtala ng labing-apat na bagong record, labing-isa sa “athletics” at tatlo sa “swimming.”

Ang masusing paghahanda, mabuting pagtanggap sa mga bisita at pagpapahalaga sa kapaligiran na ipinamalas ng lalawigan ng Pangasinan ay dapat umanong ikagalak ng mga Pangasinense. “Ipagmalaki ninyo na kayo ay taga-Pangasinan, ipagmalaki ninyo ang probinsiya ng Pangasinan,” paghihikayat ng kalihim. (ANL/AMM-PIA 1 Pangasinan)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s