Tagalog News: Produktong Ilokano bumandera sa ‘OTOP’ sa Ilocos Norte

LUNGSOD NG LAOAG, Mayo 16 (PIA) — Muling ibinandera ng iba’t ibang munisipalidad ang mga ipinagyayabang nilang produkto sa taunang “One-town, One-product” o OTOP na nakalatag ngayon sa probinsya ng Ilocos Norte.

Nagpamalas ng kakaibang mga produkto ang bawat munisipyo sa nasabing trade fair kung saan bitbit ng kanilang mga produkto ang yamang tinataglay ng kanilang lugar.

Tulad na lamang ng seaweed noodles na produkto ng Burgos, Ilocos Norte na sikat sa pagiging mayaman nito sa lamang-dagat at pagkaing dagat. Mayroon ding kendi, chips, at panghimagas na pawang gawa sa mga seaweeds.

Ang Sarrat naman na kilala sa paggawa ng mga hinabing tela ay kakikitaan ng mga produktong gaya ng kumot, punda ng unan, halampay, at mga iba’t ibang terno at barong. Lahat ay gawa sa sikat na binakol abel.

Hindi naman mawawala ang mga produktong dinarayo ng mga turista sa probinsya gaya ng empanada at longganisa ng Lungsod ng Batac, sukang iluko o ‘basi’ ng Laoag, bagnet mula San Nicolas at Paoay, at ang pinasarap ng ‘rice coffee’ mula Banna, Ilocos Norte.

Ang Pagudpud naman na kilala sa kagandahan ng karagatan nito ay nagpamalas ng kakaibang produkto sa pamamagitan ng paggawa ng de-kalidad na dekorasyong pambahay, gaya ng mga lampshade, chandelier, chimes, arts works, at mga bolang crystal. Lahat ay gawa sa mga seashells at corals.

Ayon kay Maricor Racela ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya o DTI, ang trade fair ay naglalayong ipamalas ang iba’t ibang mga prudukto ng mga Ilokano, nakakatulong din ito para payabungin ang kanilang mga negosyo, lalo na ang mga bukod-tanging produkto ng mga munisipyo.

Ang OTOP sa Ilocos Norte ay dinaluhan din ng mga mangangalakal mula sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon 1 tulad ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, at Abra.

“Ang layunin nito ay para matulungan ang mga maliliit na negosyante na ipakilala ang kanilang mga produkto sa bawat probinsya para maibenta sa merkado” sabi pa ni Racela.

Ang OTOP ay programang handog ng DTI at Asosasyon ng Partuat ti Kailukuan, lokal na pamahalaan ng probinsya ng Ilocos Norte at ng Lungsod ng Laoag. Magtatagal ito mula Mayo 5 hanggang 18. (ANL/CJD-PIA 1, Ilocos Norte)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s