Tagalog news: Tradisyonal na pagkaing Ilokano sa Farmers Fest sa Batac

BATAC CITY, Ilocos Norte, Mayo 7 (PIA) — Sa pagdiriwang ng ‘Farmers Festival’ sa lungsod ng Batac sa Ilocos Norte, isang aktibidad na tumutok sa mga tradisyonal na pagkain ng mga Ilokano, lalong-lalo na ng mga taga-Batac, ang isinagawa upang mapanatili ang tradisyon at kultura. 

Sinabi ni Marlon Soria, tagapagsalita ng lokal na pamahalaan, nais nila na sa pamamagitan ng “A Taste of Old Batac Cooking Festival” ay maipakita ang mga tradisyonal na pagkain pang merienda at paggawa ng mga ito lalong-lalo na sa mga kabataan. 

“Nawawala na kasi ang tradisyonal na pagluluto ng mga kinasanayan nang pagkain ng mga Ilokano, lalong-lalo na sa Batac. At iba-iba na din ang halo ng mga pagkain kung kaya’t hindi na ito alam o gusto ng mga kabataan,” sabi ni Soria. 

Halimbawa, ayon kay Soria, noon ay ang paboritong ‘miki’ noodles ay gawa sa arina at itlog. Subalit, dahil sa kalakalan ay gawa na lamang sa arina na nagpapabawas ng tunay na sarap nito. 

Sa nasabing aktibidad, ipinakita din ang pagluluto ng mga kakanin kagaya ng ‘dudol,’ ‘bitso-bitso,’ ‘gipang,’ at ‘lubi-lubi’ na bihirang-bihira nang mabili sa mga palengke at matikman ng mga kabataan. Ang dudol at bitso-bitso ay gawa sa malagkit at gata; ang lubi-lubi at gipang ay gawa naman sa arina. 

Hindi alam ng mga kabataan na ang gipang, halimbawa, ay tradisyonal na kombinasyon na kanin kasama ng miki na inihahanda sa mga kasalan at iba pang pagdiriwang, paliwanag ni Soria. 

Ang mga grupo ng mga kababaihan sa mga barangay sa kanayunan ang nagpamalas ng pagluluto ng mga pagkain. 

Ipinakita nila kung papaano magbayo ng mga saging at kamoteng-kahoy sa paggawa ng lubi-lubi o nilupak sa Tagalog, at iba pang mga pagkain, ayon pa kay Soria. 

Aniya, dinumog ng mga tao ang libreng patikim ng iba’t-ibang kakanin. Maging ang mga kabataan ay nakisalo at nagustuhan ang mga ito. 

Ang Farmers Festival ay isang engrandeng piyesta para sa mga magsasaka at kanilang mga pamilya bilang pagbibigay halaga sa kanilang kontribusyon sa kabuhayan at kaunlaran ng tao. Nilahukan ito ng 30 rural barangay ng lungsod at isinasagawa sa Imelda Cultural Center ng nasabing lungsod. Makikita dito ang mga produkto ng mga magsasaka at mayroon din mga patimpalak at sayawan. (JCR/CPC-PIA1, Ilocos Norte) 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s