Tagalog News: Mga kabataang Pangasinense tinipon para sa “Doypuay Kalangweran”

LINGAYEN, Pangasinan, Mayo 4 (PIA) — Pinagsama-sama ng lalawigan ang tatlong daan at walumpo’t dalawang (382) mga iskolar mula sa iba’t ibang kampus ng Pangasinan State University (PSU) sa “Doypuay Kalangweran” na ginanap sa baybayin ng bayang ito noong ika-tatlumpo ng Abril hanggang ika-isa ng Mayo.

Ang “doypuay kalangweran” ay salitang Pangasinan na nangangahulugang ‘pagtitipon ng mga kabataan.’ Layunin nitong himukin silang maging sensitibo sa kapaligiran, magpahalaga sa lokal na kultura at maipaunawa ang magagandang kaugalian sa pamilya.

Lumahok sila sa pagtatanim ng mga puno sa bayan ng Bugallon bilang pakikiisa sa paggunita ng lalawigan sa Araw ng Mundo. Natutunan din nila ang pangangalaga sa kalikasan, ang kasaysayan ng pamumuhay sa probinsiya at kung paano hubugin ang kanilang mabubuting asal.

Nalibang naman sila sa mga larong lahi gaya ng pagpapalipad ng saranggola, palo sebo at “sack race” na siyang nagpatibay ng kanilang samahan. Natunghayan pa nila ang mga makukulay na bangka sa Banca Parada na bahagi rin ng pagdiriwang ng Pistay Dayat (Piyesta ng Dagat).

Taunang isinasagawa ang “Doypuay Kalangweran” at sa loob ng limang taon, patuloy itong naghahatid ng makabuluhang karanasan para sa mga kabataan.

“Ito po ay isang hindi malilimutang pagkakataon at marami po kaming nalaman na magpapabuti sa aming mga kinabukasan ng Pangasinan,” pahayag ni Maria Cristina Libao, mag-aaral mula sa kampus ng PSU Infanta.

Ito rin ay pagsasakatuparan sa pangako ng lalawigan na uunahin ang mga proyektong para sa kapakanan ng mga kabataan. Nais ng pamahalaan ng Pangasinan na lumaki silang mahusay at hangad din nito na muling ipaalala sa mga kabataan ang kanilang mahalagang papel sa lipunan. (JCR/AMM-PIA 1 Pangasinan)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s